Tuwing Pasko sa lupa ng mga Arabo
Laging may kulang na nararamdaman sa bawa't pagtibok ng puso
Malamig ang simoy ng hangin ang dulot nito
Pero kung naiisip niyang nasa Pinas siya ay biglang matutuliro.
Sa pagsapit ng gabi, nakakaaliw panoorin ang mga bombilya na kumukutitap
Umiindak, naghahabulan na sadyang walang katapusan
Mga nagliliwanag na ilaw sa kalye na animo'y hudyat ng Kapaskuhan
Subali't walang makitang nakasabit na parol na naiilawan.
Paminsan-minsan ay may naririnig na awiting Pamasko
O kaya pinapatugtog sa lahat ng oras sa loob ng kuwarto
Sinasabayan ng pag-awit pabulong man o pabugso-bugso
Subali't walang maririnig na mga batang namamasko sa bawa't pinto.
Sa madaling araw, magigising sa hiyaw hudyat ng pagdadasal at pananampalataya
Kahit hindi maintindihan ang salita ngunit ang ibig sabihin nito ay alam na
Dahil ito ay nakasanayan at nakagisnan na
Subali't walang maririnig na ingay ng nakakabinging kalembang ng kampana.
Sa bisperas ng Pasko, nais kong lumabas at maglakad hanggang makarating ako
Kahit mag-isa, sa pagbaybay ng mahabang daan habang nilalasap ang lamig ng hangin tila amoy Pasko
Na gumagapang, dumadaloy hanggang sa kaibuturan ng aking puso
Subali't walang mahanap na daan patungo sa Simbahang Katoliko.
Sa haba ng panahon na namalagi sa lugar na kahit kailan di ko matawag na sarili kong bansa
Na hindi mabigyan ng pagkakataon na makauwi para makisaya sa sariling pamilya
Ilang Pasko na ba ang naisakripisyo para sa magandang kinabukasan nila
Na hindi inintindi ang sarili, mas nangingibabaw ang kaligayahan nila?
Sa araw ng Pasko, nais ko'y yakapin ang mga mahal ko
Ipadama sa kanila ang init ng pananabik na naipon ng ilang lumipas na Pasko
Subali't ang tanging magagawa ko, sa text man, facebook, sa chat, webcam o telepono
Magkukunwari, masaya ako, ngunit dumadaloy na ang mga luha ko.
At batiin sila ng "Maligayang Pasko"
No comments:
Post a Comment