Tuesday, January 18, 2011

Pasalubong at iba pa


Pinirmahan na kontrata, tapos na
Pasaporte, hawak-hawak na
Unang bakasyon, uwing-uwi na
Pakiramdam ang saya-saya!

Mga bagahe punong-puno na
'Di sigurado ang timbang, excess na yata
Sari-saring pasalubong ang naikarga na
Para sa mga kapatid at kamag-anak na laging nag-aalala.
Pati mga kapitbahay magtatampo pag walang maibigay
O kung sino man ang bibisita sa bahay
At syempre espesyal para sa pamilya at mahal sa buhay.

Laman ng baggage na hand-carry
Pinabigat ng mga nabiling "buy one, take one" na tsokolate
Ang iba'y papakin agad pagkadating dahil malapit na ang expiry
Ibat-ibang disenyo at gramo ng bracelet, hikaw, kwintas na ginto ang uri
Na nagkalat dito sa bansa ng mga hari.
Mga imported na alak mula sa Duty Free bibili
Upang nakahanda 'pag magpa-party
Habang kumakanta sa videoke kasama ang mga kumpare.

Bago lumipad magpagupit muna sa suking barberya
Sa airport sasalubungin poging-pogi at mukhang bumata pa
Huwag kalimutan isuot ang paboritong sunglass na Carrera
Kahit ang pagdating sa Pinas ay hatinggabi na.
Bagay naman sa suot na maong Levi's 501, original yata
Siguraduhin lang de-butones siya
Terno nama'y jacket na Levi's din amoy bago pa
Kahit ang panahon pag-landing sa Pinas ay napakainit pa.

Sapatos na CAT kulay itim na sadyang kay bigat din
Nakakasilaw, naglalakihang gintong bracelet, kwintas at singsing suot din
Napanalunan yata sa pagtaya ng Thai Lottery ending
Balat naninilaw sa sobrang ningning
Tila galing sa ospital sakit na hepa di mapagaling..

Lahat ay isuot para agaw-pansin
Galing Saudi, sige ka, empleyado sa airport pasalubong hihingi din
At sa daan baka ikaw ay holdapin...

Pasalubong kay misis ay reding-redi
Sosorpresahin at tiyak sa tuwa matitili
Ginawa ito sa kaharian ng Saudi
Tatak niya'y "Tash & Bolly"

No comments:

Post a Comment